Pahayag ng mga Bilanggong Pulitikal sa Camp Bagong Diwa kaugnay ng Nagdaang Limang Taon at Tatapusing Huling Taon ng Rehimen ni Benigno S. Aquino III

Pahayag ng mga Bilanggong Pulitikal sa Camp Bagong Diwa kaugnay ng Nagdaang Limang Taon at Tatapusing Huling Taon ng Rehimen ni Benigno S. Aquino III

Ilan lamang kami sa marami pang mga bilanggong pulitikal dito sa Camp Bagong Diwa, at maliit na bahagi lamang ng kabuuang mahigit 500 bilanggong pulitikal sa buong bansa.

Marami sa amin ay mga inosenteng sibilyang arbitraryo at walang pakundangang inaresto at patuloy na ikinukulong sa batayan ng gawa-gawa lamang na mga kaso, gamit pa ang kung anu-anong pangalan ng iba o ang kung anu-anong alyas, para lamang gahaman at walang-pakundangang makakabig ng daan-daang milyong pabuya ang mga kawatan at pasistang pwersa ng reaksyunaryong estado. Ang mas marami pa sa amin ay inaresto, patuloy na ikinukulong at hinihigpitan dahil sa mga pinagsisikapan naming maisulong na makabuluhang saligang pagbabago para sa kapakanan ng bayan, laluna ng mga naghihirap at aping mamamayan. Ang mga ito ang siyang dahilan sa aming pagiging mga bilanggong pulitikal. Ang mga ito, sa kabila ng palaging pagbubukang-bibig ng rehimen ni Benigno S. Aquino III na walang bilanggong pulitikal sa bansa.

Sa nagdaang limang taon na ng paghahari ng rehimeng BSA III, wala kaming nakita at wala kaming nakikitang anumang makabuluhang pagbabago sa nagpapatuloy na usapin sa pagpapalaya, pagkakamit ng hustisya at pagrespeto sa mga karapatang tao ng mga bilanggong politikal. Bagkus ay higit pa at patuloy na lumalaki ang bilang at sumasama ang kalagayan ng mga bilanggong pulitikal sa bansa. Patuloy kaming dumaranas ng di-makatarungang pagkukulong, napakabagal at halos-kawalang pag-usad ng hustisya, sobrang paghihigpit, napakaraming kalupitan, at sari-sari pang mga paglabag sa aming mga karapatang tao.

Kung tutuusin, bahagi lamang ang mga ito ng higit pang mga paglabag sa mga karapatang tao sa bansa, na naitala ng Karapatan at iniulat sa katatapos lamang na paglilitis ng International People’s Tribunal sa mga kasalanan sa bayan ng rehimeng BSA III mula simula ng paghahari nito noong Hulyo 2010 hanggang nitong Hunyo 30, 2015, at hinusgahang malulupit na karahasan at pagkakait ng mga pinakasaligang karapatang-tao sa mga pinakaapi at napagkakaitang sektor sa bansa: 262 kaso ng extrajudicial na pagpatay; 27 kaso ng sapilitang pagkawala, 125 kaso ng tortyur; 273 kaso ng iligal na pag-aresto na di pa humantong sa tuluyang pagkukulong, 723 kaso ng iligal na pag-aresto at tuluyang pagkukulong, 133,599 kaso ng mga marahas na pagbabanta, 29,684 kaso ng mga karahasan sa mga pampublikong pagtitipon, 60,155 marahas at pwersahang pagpapalikas sa mga lider at mga nagpoprotesta laban sa malakihang pagmimina, paninira sa kalikasan, at mga katulad, at marami pang iba.

Sa nagdaang limang taon na ng paghahari ng rehimeng BSA III, wala kaming nakita at patuloy na walang nakikitang anumang makabuluhang pagbabago para sa kapakanan ng mamamayan sa kamay ng mga maramot at malupit na reaksyunaryong naghahari. Mga kunwaring pagbabago lamang ang mga ginagawa nila sa anyo ng mga islogan (tulad n/g “Daang matuwid” at “Kung walang kurap, walang mahirap”) na, pawang hanggang bukang-bibig lamang.

Nang tuluyan nang nalantad, napatunayan ang mga pandarambong at panunuhol sa pamamagitan ng “pork barrel” sa anyo ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), at nahusgahan na itong labag sa batas at sa konstitusyon, sa pakana ng kasalukuyang rehimen ay binago na lamang ang pangalan at pamamaraan nito, at gumawa ng bagong bersyon nito sa anyo naman ng Development Acceleration Program (DAP). Ginamit ang pamamahagi ng tig-P50 milyong alokasyon ng DAP bilang pansuhol sa mayorya ng mga senador (at doble pa niyon, sa ilan) para bumoto pabor sa impeachment (sa kasong pandarambong) sa noo’y Chief Justice ng Supreme Court na si Renato Corona. Sa tulong nito’y hinusgahan ng mayorya ng Senado si Corona na maysala. Gayundin, nalantad at nahusgahan din ang DAP na labag sa batas at sa konstitusyon. Sumulpot naman ngayon ang Lump-Sum Budgetting at iba pang mga paraan ng pagmamaniobra para patuloy silang makapandambong.

Ang mga seryosong sinampahan ng mga kaso at ikinulong gawa ng pandarambong sa pamamagitan ng “pork barrel” ay tatatlong lider ng oposisyon at mga tinukoy na nakasabwat nila, samantalang ang mas maraming nanguna pa rito na nasa kapangyarihan ay nananatiling ligtas pa sa mga kaso, napagtatakpan at hindi nakukulong, kahit na mas nanguna pa sila, gamit ang mga pusisyon nila sa administrasyon, mas malalaki pa ang mga dinambong nila, at palalong pinaghihirap ang mamamayan bunsod na kanilang mga pandarambong.

Panay naman ang pangangalandakan ng rehimeng BSA III nitong mga huling nagdaang taon, sa ilusyon na ang Pilipinas pa nga ngayon ang pinakasulong sa paglaki ng ekonomya — sa anyo ng pagkakaroon ng pinakamataas na tantos ng pagsulong ng Gross National Product (GNP) — sa buong rehiyon ng Asia. At nitong mga nakaraang buwan ay humantong pa ito sa ibayong ilusyon na pumipinto pa ngang maging pinakamataas o isa sa pinakamataas raw sa buong mundo ang pagsulong ng GNP ng Pilipinas.

Ngunit, mistula lamang ang paglaki ng GNP ng Pilipinas nitong mga huling nagdaang taon. Hindi nito ipinakikita ang aktwal na nangyayari sa ekonomya ng Pilipinas, laluna ang aktwal na nangyayari sa hirap na kabuhayan ng nakararaming mamamayan sa Pilipinas. Sa katunayan, hindi nagbabago, bagkus ay lumalala pa, ang pagiging nahuhuli o ang pagbubuntot, sa aktwal, ng ekonomya ng Pilipinas kumpara sa iba pang bansa, kahit dito lamang sa Southeast Asia.

Dahilan nito ang relatibong pagiging mas maunlad na — sa katunayan at sa matibay na batayan — ng mga ekonomya sa maraming bansa sa Southeast Asia, at sa mas marami pang bansa sa Asia. Ito’y dahil mas marami nang ibang bansa sa Asia, at maging sa Southeast Asia, ang seryosong nagsisikap at aktwal na nagagawa nang makapagtayo at makapag-abante ng kanilang mga industriya sa paggawa at ng kanilang agrikultura, habang naiwan na at nananatiling isa sa pinakaatrasado at pinakakapos ang mga industriya sa paggawa, pati na ang agrikultura, sa Pilipinas.

Sa halip, mas umaasa pa ang ekonomya sa Pilipinas pangunahin na sa mga serbisyo at komersyo.

Pinakamalaking bahagi pa ng mga serbisyo — sa partikular, ang business process outsourcing (BPO) — ay para sa mga higanteng kumpanya sa U.S., Europa, Australia, at iba pang ibayong mauunlad na bansa, at nagsisilbing ekstensyon lamang dito para makatipid sa pagpapasahod. At malaking bahagi rin ng mga komersyo ay pagbebenta rito ng mga produktong inaangkat mula sa ibang bansa. Ampaw lamang, sa katunayan, ang ipinagmamalaki ng rehimeng BSA III na diumano’y pagiging pinakamabilis ngayon, sa rehiyon ng Asia at maging sa buong mundo, ang paglago ng ekonomya ng Pilipinas, sa anyo ng paglaki ng GNP nito.

Pinalalabas ng rehimeng BSA III na apat na milyon na lamang sa ngayon ang walang trabaho sa Pilipinas. Ngunit, ayon sa isang independyenteng sarbey, umabot na ito sa 12.4 milyon (pati na ang kulang sa sapat na trabaho) noong 2014 at papataas pa ngayon.

Malaking problema pa na halos lahat na ng mga bagong nakapaghahanap ng trabaho at malaking kalakhan na rin ng mga may trabaho ay kontraktwal at pinapalitan ng iba pang kontraktwal, makaraan ang ilang buwan lamang. Nagsisilbi rin ang pagmamantine bilang kontraktwal ng malaking kalakhan ng mga pwersa sa paggawa sa Pilipinas, upang mapigilan ang kanilang pag-uunyon at epektibong pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan.

Umaabot na rin sa 6,000 araw-araw ang umaalis sa ating bansa para doon makapagtrabaho. Malaking kalakhan ngayon nitong mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay nagtatrabaho bilang mga domestic helper o kasambahay sa ibayong dagat.

Sa aktwal, ang pangunahing bumubuhay sa ekonomya ng Pilipinas, ilang taon na ang nagdaan hanggang sa kasalukuyan, ay ang mga padalang remittance ng mahigit 12 milyon nang OFW. Ang naipapasok sa bansa na kita ng mga ito ay inungusan na lamang kamakailan ng mga dumarami nang naitatayong BPO, pangunahin na mga call center, sa bansa.

Mas masahol pa sa kalagayan ng mga manggagawa, ang pinakamalaking sektor sa hanay ng mamamayan, ang mga magsasaka, ay hirap na hirap sa kabuhayan. Lalo ito’t ang nakararami sa kanila ay patuloy na umuupa o nakikitrabaho lamang sa mga lupang patuloy na inaari ng mga panginoong maylupa. Nagpatupad diumano ng reporma sa lupa ang umiiral na gubyerno, ngunit sa katunaya’y bigo ang malaking kalakhan ng mga ito, at sa aktwal ang nakararaming magsasaka ay nananatiling tenante sa lupa o manggagawang-bukid sa malalaking lupain ng mga panginoong maylupa.

Ayon mismo sa mga datos ng Department of Agrarian Reforms (DAR), mula sa 8.9 milyong ektaryang pribadong lupain, 2.6 milyong ektarya ang diumano’y nasaklaw na ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng umiiral na gubyerno. Sa gayon, may 6.3 milyong ektaryang nananatiling pribado at malaki pang bahagi nito ang kailangan pang masuri kung masasaklaw pa rin ng CARP, kabilang ang mga pag-aari ng malalaking korporasyon at mga naiba na ang gamit. Maging sa mga nasaklaw ng CARP, maraming mga kwestyon sa katapatan ng pagpapatupad, lalo’t maraming inilipat lamang sa iba’t ibang pangalan para maiiwas sa aktwal na reporma sa lupa.

Tampok sa mga ginawan ng iba’t ibang paraan sa pagsisikap na mabigo ang pagpapatupad ng CARP ay sa lupaing pag-aari ng angkan ni BSA III, ang Hacienda Luisita. Mula sa 6,453 ektarya nito, 4,099 ektarya lamang ang pinasaklaw sa CARP — makaraan ang mahaba at maraming gitgitan, pati na ang paggamit ng karahasan laban sa mga magsasakang naggigiit ng reporma sa lupa. Ginamit pa ng rehimeng BSA III ang DAP sa pagbayad ng P471.5 milyon sa angkan ni BSA III para sa nasaklaw na lupa. Kasabwat ang DAR, winasak ng rehimeng BSA III ang “bungkalan” (kolektibong pagsasaka) sa 300-ektaryang bahagi ng asyendang ibinenta sa isang bangko, at gumamit ng tambiolo para sa indibidwal na pamamahagi ng mga parsela, para mabago-bago ang pagtatao-tao sa mga parsela, para mapatigil ang kolektibong pagsasaka, gawing sahuran ang paggawa sa lupain, at sa gayon mapanatili ang kontrol ng angkan ni BSA III sa lupain, gayundin ang produksyon ng tubo para sa Central Azucarera de Tarlac ng angkan ni BSA III.

Sa mga mas interyor pang bahagi ng kanayunan, partikular na may katindihan ang tuluy-tuloy na kalupitang dinaranas ngayon ng mga pambansang minorya. Tampok dito ang kalupitang kasalukuyang inihahasik ng mga pwersang militar ng umiiral na estado laban sa mga Lumad sa Mindanao. Hindi tintantanan ang paglulunsad nitong malulupit na pwersang militar ang mga komunidad ng mga Lumad, tulad ng mga nasa interyor ng North Cotabato, kung saan naobligang kumalas na muna ang 700 na mga Lumad roon tungo sa mga evacuation center na itinayo ng United Church of Christ of the Philippines sa sentrong bayan. Pati mga eskwelahan ng mga batang Lumad ay pinaghahasikan ng karahasan nitong malulupit na pwersang militar, kaya’t hindi na makapasok sa mga paaralan nila ang mga batang Lumad. Napupwersang mag-aalisan na rin sa mga komunidad nila ang buo-buong mga tribong Lumad sa maraming interyor na bahagi ng kanayunan sa Mindanao.

Napatunayan din sa katatapos na paglilitis ng International People’s Tribunal na maraming mabibigat na kasalanan ang rehimeng BSA III sa malupit na pang-aapi sa mga pambansang minorya, tulad sa Talaingod at Balit, kung saan ang mga pasistang pwersang militar ay ginagamit ng malalaking operasyon sa minahan sa pang-aapi sa mga Lumad roon na tumututol sa malaking pagmimina. Inooperasyon at inookupa nitong mga pasistang pwersang militar maging ang mga paaralan nitong mga Lumad.

Dahil naman sa pagtayang malawak ang kahirapan sa bansa, isa ang Pilipinas sa mga pinakamalaki ang tinatanggap mula sa Millenium Development Goals, para sa umano’y ayuda sa mga naghihirap na pamilya, sa anyo ng Conditional Cash Transfer o CCT (binansagan naman dito sa bansa, na “Pantawid Pamilyang Pilipino Program”). Mula 6,000 pamilya lamang na saklaw ng CCT noong sinimulan ito noong 2007 hanggang umabot sa 800,000 katao noong 2009 (panahon pa ng rehimeng Gloria Arroyo II), ngayo’y mahigit nang 4.4 milyong pamilya (na kinabibilangan ng mga 20 milyong katao) ang saklaw nito. Sa papel, nilayong ilaan ito sa mga pinakamahihirap, panagot diumano sa ilan sa pinakakinakailangan nila (medikal tsekap para sa mga ina at sanggol, at batayan hanggang segundaryong antas ng edukasyon para sa mga batang dapat nakapag-eeskwela na). Ito, sa halip na pantulong sa kanilang produksyon at kabuhayan. (Kaya’t, kung tutuusin, mas nagsisilbi lang ang CCT sa pananatili ng mga mahihirap sa pagiging palaasa sa ganoong uri ng mga palimos, sa halip na sa pagpapalakas ng kanilang kakayahang makatayo-sa-sarlili at tunay na makapagpaunlad ng kanilang kabuhayan.)

Dahil ang kalakhan ng mga tumatanggap ng mga padalang CCT ay baon sa utang, ang pinagkakautangan nilang mga usurero na ang siya nang aktwal na direktang kumukuha ng mga padalang CCT, gamit ang mga nakasangla sa mga ito na mga CCT card ng mga pinadadalhan ng CCT.

Masahol pa, ayon naman sa ulat ng Asian Development Bank, mga sangkatlo ng pondo (mga P19 bilyon, mula sa kabuuang P62 bilyon) ng CCT sa Pilipinas, sa aktwal, ay hindi nailalaan sa pinakamahihirap sa bansa. Sa halip, napupunta iyon sa mas matataas ang antas ng kabuhayan.

Malaking bahagi rin ng pamamahagi ng CCT ay dumaraan sa mga bulok na tradisyunal na pulitikong naghahari sa mga lokalidad. Nagsisilbing balon para sa mga ito ang pondo ng CCT para sa pambili ng boto at iba pang paraan sa kanilang pagpapalakas ng pampulitikang impluwensya at kontrol sa kanilang mga pinaghahariang lokalidad.

Karaniwang nagsisilbi lamang, sa gayon, ang CCT sa pagsusuhay sa bulok na pulitika, pagkaatrasado ng ekonomya at sa patuloy na pagsasamantala ng mga gahaman sa mga nangangailangan.

Dahil sa kawalan ng tunay na naitutulong ng CCT sa aktwal na pagpapaunlad ng kabuhayan at katayuan sa buhay ng mga maralita at kulang na kulang ang kabuhayan, ang ginagawa na lamang ng tanggapang namamahala rito sa bansa — ang Department of Social Works and Development — ay ang pagsisilid ng mga palatandaan ng problema sa mga pagkakataong maaaring malantad at tumampok ito, tulad ng pagdadala ng mga maralitang bata sa isang malayong mamahaling resort para maitago sila nang dumalaw sa bansa si Pope Francis I noong Enero.

Dati nang problema ang pagpapatuloy ng imperyalistang U.S. ng pagbabase-militar nito sa bansa, sa pamamagitan ng matagal nang Mutual Defense Treaty at mas bagong Visiting Forces Agreement (VFA) — kahit natapos na ang U.S. – Philippines Bases Agreement at isinara na noong 1992 ang mga base militar ng U.S. sa bansa.

Pinasasahol pa ngayon itong problema dulot ng bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at, labag sa batas at konstitusyon ng bansa, nilaktawan pa ang pangangilangan ng pagsang-ayon ng Senado para sa ganoong kasunduan. Balak ng imperyalistang U.S. na kasangkapanin ang EDCA sa tinatawag nitong “pivot to Asia” (pagpihit ng 70% ng sandatahang lakas nito para sa pagkontrol sa Asia-Pacific, pangunahin na sa South China Sea) at gamitin ang mga pwersa at baseng militar at, kung tutuusin, ang buong teritoryo ng Pilipinas, laban sa sinisikap ngayon ng China na pagsosolo ng kontrol sa South China Sea, labag sa interes at pag-aari ng Pilipinas at iba pang kalapit na bansa sa mga teritoryo ng mga ito sa baha-bahagi ng nasabing dagat.

Sa kasong isinampa sa International People’s Tribunal laban sa rehimeng BSA III, hinusgahang maysala ang rehimeng BSA III sa pagpapakatuta nito sa imperyalismong U.S., kabilang na ang paglabag sa kasarinlan at mga interes, bukod sa konstitusyon, ng bansang Pilipinas sa pakikipagkasundo sa U.S. sa pagbubuo ng VFA, EDCA at iba pang mga paraan, kabilang na ang mga iligal na paglahok ng mga pwersang militar ng U.S. sa mga operasyong intelidyens at pangkombat, bilang bahagi ng pagmamantine nito ng kapangyarihan sa bansa at sa rehiyon.

Marami sa mga nabanggit na isyu, sa katunayan, maraming pampulitika, sosyo-ekonomiko, at iba pang mabibigat na buhay-at-kamatayang isyu ng mamamayan, na, habang hindi pa nalulutas sa kapakanan ng mamamayan ay nagsisilbing sanhi ng nagpapatuloy na malalim at matagalang tunggalian sa pagitan ng mga pwersang makamamamayan sa isang banda at ng mga reaksyunaryong naghahari sa kabilang banda.

Patuloy na ginigiit ng National Democratic Front of the Philippines (NDF) na dapat saklawin ng usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng Government of the Republic of the Philippines (GRP/GPH) ang mga nabanggit na saligang problema at ang inihahapag ng NDF na mga kumprehensibong panukala tungo sa sistematiko at makabuuang paglulutas sa mga ito.

Ngunit matagal nang naantala at nababara — sa nakaraan, hanggang sa kasalukuyang paghahari ng rehimeng BSA III — ang usapang pangkapayapaan.

Patuloy na nilalabag ng umiiral na gubyerno sa bansa ang dating nakamit nang mga kasunduan sa usapang pangkapayapaan. May dati nang umiiral na mga kasunduan sa proseso ng mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at GRP/GPH, kabilang ang kasunduan para sa pagrespeto sa mga karapatang-tao at pandaigdigang makataong batas, at para sa proteksyon ng mga konsultant pangkapayapaan ng NDF — na hindi dapat isinusurbeylans, inaaresto, pinahihirapan, ikinukulong, sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso, at idinaraan sa iba’t iba pang mga karahasan ng estado. Ngunit, patuloy pa ring binabalewala at nilalabag ng umiiral na rehimen ang nasabing mga kasunduan, kung kaya’t tuluy-tuloy ang pagdami ng mga bilanggong pulitikal, pati na mga protektadong konsultant pangkapayapaan ng NDF. Mayroong nang mahigit 18 konsultant at istap sa usapang pangkapayapaan ng NDF na kasalukuyang nakakulong (lima sa mga ito, dito sa Camp Bagong Diwa). Maging ang mga di nakakulong ay patuloy na patraydor na ipinaiilalim sa surbeylans, sinasampahan ng mga gawa-gawang kasong kriminal at idinaraan sa ibat iba’t marurumi at pasistang aksyon at iba pang mga paglabag sa kanilang mga karapatan at sa mga kasunduan sa usapang pangkapayapaan.

Maging ang relatibong mas abante nang inabot kamakailan ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng GRP/GPH ay nagkaroon na ng mga problema at naantala na, dulot na mga problemang bunsod ng kawalan o masyadong pagkahuli ng pakikipagkoordina ng rehimeng BSA III sa MILF kaugnay ng Oplan Exodus ng Special Armed Forces ng Philippine National Police (SAF-PNP), sa lubos na pagpapaubaya ng Malakanyang sa pagpapatupad nito ng isang sa wala sa pwesto, sa nalantad na sikreto sanang panghihimasok ng mga pwersang intelidyens at pangmilitar ng U.S. sa operasyong iyon at sa marami pang operasyong militar sa Mindanao-Sulu at iba’t iba pang lugar sa bansa, sa mga angal ng iba pang mga signipikanteng pwersa (pangunahin na ang Moro National Liberation Front) at mamamayan (kabilang ang mga Lumad at iba pang di-Moro), sa marami nang pinalabnaw sa mga napagkasunduan at sa naglitawang maraming iba pang mga usapin at balakid sa pagsasabatas ng mga napagkasunduan sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP/GPH.

Tulad ng nabanggit na, marami na ring naipon nang mga problema sa pagpapatuloy at pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan naman ng NDF at GRP/GPH.

Sa harap ng mga ito, inaasahan pa rin naming may mapagtatagumpayan sa pakikipag-usapang pangkapayapaan ng MILF sa GRP/GPH, at matutuloy na rin ang labis nang naantalang usapang pangkapayapaan sa pagitan naman ng NDF at GRP/GPH.

Mabilis nang nauubos ang panahon, lalo’t sa loob ng isang taon ay may panibago na namang rehimen sa umiiral na estado, habang patuloy ang mga saligan at mabibigat na suliraning dumadagan sa mamamayan at nilalabanan ng mga naghahangad ng mga kumprehensibong pagbabagong panlipunan tungo sa totohanan at matagalang kabutihan sa buhay at hinaharap ng naghihirap at aping mamamayan.

Patuloy kaming nakikipaglaban para sa aming mga karapatan at patuloy pa ring nagsisikap gawin — maging sa harap ng maraming pagtatraydor, pangigipit, paninikil at pagbabanta ng mga pwersa ng reaksyunaryong estado sa amin, sa kasalukuyang napakakitid at hirap na kalagayan kasalukuyang kinalalagyan namin — ang aming mga bahagi sa laban ng mamamayan at pag-ambag pa rin sa mga pakikibaka at sa usapang pangkapayapaan.

Hanggat may nananatiling pag-asa, sa hangaring makamit pa rin nang mas maaga ang ipinaglalabang mga komprehensibong pagbabagong panlipunan, umaasa pa rin kami sa pagtutuloy ng seryoso, sustantibo at kumprehensibong pag-uusap tungo sa kapayapaan, kaharap man ng NDF ang papatapos nang rehimeng BSA III, o kung hindi man ay kaharap ang papalit na bagong rehimen.

Mga konsultant pangkapayapaan ng NDF

Alan Jazmines

Tirso Alcantara

Emeterio Antalan

Leopoldo Caloza

Loida Magpatoc

at iba pang mga bilanggong pulitikal na kasalukuyang nakakulong sa Camp Bagong Diwa

(26 Hulyo 2015)