Tanikala at Talinghaga: Ang Rebolusyonaryo Bilang Artista at Bilanggong Pulitikal

[Panayam kay Alan Jazmines]

nina Kerima Tariman at Rommel Rodriguez
[email protected]

Sa kasayan, sina Jose Rizal, Aurelio Tolentino at Amado V. Hernandez ay ilan lang sa mga makabayang manunulat na ibinilanggo dahil sa kanilang pampulitikang paninindigan.

Si Alan Jazmines, 68, isang makata at rebolusyonaryo,ay dalawang beses ibinilanggo noong panahon ng Batas Militar ng diktadurang Marcos. Isa siya ngayon sa mga pangunahing konsultant ng National Democratic Front (NDF) sa usapang pangkapayapaan (peace talks). Nasa andergrawnd na si Jazmines nang ilathala ng Kalikasan Press ang “Moon’s Face,” koleksyon ng kanyang mga tula sa piitan, noong 1991. Sinuong ni Jazmines ang rebolkusyonaryong landas mula sa panahon ng Batas Militar at hanggang sa kasalukuyan.

Muling inaresto ng military si Jazmines sa Baliuag, Bulacan, Pebrero 14 nitong nakaraang taon(2011). Ilang oras na lamang ito bago muling magsimula ang mga usapang pangkapayapaan sapagitan ng pamahalaan (GPH) at NDF sa Oslo, Norway. Sa piitan, patuloy na lumikha si Jazmines ng mga likhang-sining, tula at sanaysay hinggil sa pampulitikang panunupil at mga usapin sa usapang pangkapayapaan. Mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City, inilipat si Jazmines sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kamakailan. Dito rin sa mga lugar na ito una siyang ipiniit noong panahon ng Batas Militar.

Ang sining at pakikibaka ni Alan Jazmines at isa sa mga tampok na salaysay sa “Tanikala at Talinghaga,” pag-aaral at dokumentaryo hinggil sa mga artista at bilanggong pulitikal swa kasaysayan ng bansa. Narito ang unang bahagi ng panayam ni Prop. Rodriguez kay Alan Jazmines:

Tanong (T) : Ano ang inyong pananaw sa sining? Ano ang moda ng inyong artistikong paglikha bago kayo masangkot sa rebolusyonaryong kilusan? Mayroon po ba kayong nalikha o nalathala sa panahong ito?

Alan Jazmines (AJ) : Unang natuto ako sa arte at sining – sa partikular, sa pagdodrowing at pagpipinta mula sa lolo ko sa ina, sa panahong sila pa ng lola ko ay nag-aaruga sa akin hanggsang bago ako magsimulang pumasok sa paaralan. Matiyaga niya akong tinuruan noon, pangunahin nan g mga prinsipyo at teknika nito. Nagpatuloy ito sa panahon ng bakasyon noong nag-aaral pa ako hanggang sa pumanaw ang lolo ko sa mga unang taon ko sa kolehiyo.

Bagamat may ilang bahagyang pagpapraktis na ginagawa ko noon, wala pa akong likhang sining na aktwal na nabuo sa panahong iyon.

Noong hayskul ako, naging kasapi ako ngn Poster Club. Sa paggawa ng mga poster na pinapaskil sa pader ng mga koridor sa eskwelahan, naipraktis ko nang bahagya ang ilang prinsipyo at teknikang iyon. Noong nasa kolehiyo na ako mas nagtuon naman ako sa pagsusulat ng mga tula at sanaysay para swa panliteraturang magasin naming sa kolehiyo, at mga artikulo para sa diyaryo naming (Guidon ng Ateneo de Manila University).

Wala pa ako noong sistematisadong pananaw sa sining o kultura, bagamat mas pinipili kong magtuon tungkol sa mahihirap.
Noong nasa rebolusyonaryong kilusan na ako mas bumwelo sa panliteraturang pagsusulat at sa pagdodrowing at pagpipinta at noon na nagkaroon ng rebolusyonaryong tema ang aking mga gawang sining.

T : Maaari ba kayong magsalaysay hinggil sa pagkakabilanggo ninyo noong panahon ng Batas Militar?

AJ : Dalawang ulit akong binilanggo sa ilalim ng Batas Militar. Una, noong 1974-1977, at kasunod nuong 1982, hanggang sa paglaya sa lahat ng mga bilanggong pultikal sa pagtatagumpay ng People Power sa EDSA noong Pebrero 1986.

Sa unang pagdakip sa akin ay nagtuturo pa ako ng Master of Business Management sa Asian Institute of Management. Pagkadakip sa akin ay itinago ako sa isang safehouse ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) kung saan madalas, matindi at malupit akong tinortyur. Nang inilabas na ako’y dinala ako sa NCR HQ ng Constabulary Security Unit (5th CSU), na ngayo’y tinatawag nang PNP Intelligence Group (PNP IG) sa Camp Crame, kung saan patuloy ang malupit na pagtrato sa mga bilanggong pulitikal.

Sa pamamagitan ng dalawang magkasunod na pag-aayuno (hunger strike), nakamit naming mga bilanggong pulitikal doon ang ilang inisyal na kaluwagan, hanggang sa pagpapalipat sa amin sa ibang relatibong mas maluwag na kulungan sa Camp Crame, at sa kalaunan sa relatibong higit na maluwag pang kulungan sa Camp Bagong Diwa na sadyang nakalaan para sa maramihang bilanggong pulitikal.

Sa Camp Bagong Diwa, ibayong naglunsad pa ang halos daan-daang bilanggong pultikal doon ng sunud-sunod na mga pag-aayuno at iba pang pakikibaka para sa pagpapalaya, kabilang na ang mga nanay na may pinasususo pang mga sanggol.

Masigla ang iba’t-ibang aktibidad ng mga bilanggong pultikal doon, kabilang na ang mga pag-aaral pampulitika, pag-aaral ng mga lenguwahe, paggawa ng mga card at wall décor, pagdaraos ng mga pangkulturang pagtatanghal, at marami pang iba. Karamihan ng mga ito’y may tema ng pakikibaka at paglaya.

Mula sa iba’t-ibang piitan, ang mga bilanggong pultikal ay nagpadala sa Amnesty International ng mga testimonya at nagsampa rin sa korte ng mga kaso tungkol sa dinanas nilang mga tortyur at at iba pang kalupitan sa kamay ng mga pasistang pwersa ng nagpadakip at nagkulong sa kanila.

Malaki ang naitulong ng mga pakikibakang ito sa pagpapalaya ng maraming bilanggong pultikal mula noong mapresyur ang diktadura na magpakita ng “normalisasyon” mujla 1977. Sa gayon ako napalaya.

Marami-rami rin ang napalaya sa pamamagitan ng pagtakas.

Sa ikalawang pagkakadakip sa akin, nakalubog ako noon sa isang komunidad ng mga manggagawa sa paligid ng mga pabrikang inoorganisa naming. Kasama kong mga pinagdadakip ang mahigit dosena pang mga organisador ng mga unyon ng manggagawa ay mga lider-manggagawa noon. Dinala muna kami sa himpilan sa NCR ng Military Intelligence Group (MIG15), kung saan gusto sana kaming tuluy-tuloy na idetine. Naglunsad kami ng pag-aayuno, kaya’t inilipat na rin kami sa Camp Bagong Diwa.

Katulad ng naranasan ko sa unan g pagkakulong, masigla ang diwa, organisasyon at paglaban ng mga bilanggong pulitikal doon.

Mas sa panahong ito ako nakapagtuon sa pagdodrowing at pagpipinta at sa pagsusulat ng mga tula. Nakasama ako sa pagdaraos ng eksibit ng mga likhang-sining ng mga bilanggong pultikal sa Sining Kamalig noong 1985 (Muling nag-eksibit sa bagong Sining Kamalig Gallery sa Gateway, Cubao si Jazmines nitong 2011).

T : Paano po nalikha ang inyong koleksyong “Moon’s Face”?

AJ : Sa pangalawang pagkakakulong ko sa Camp Bagong Diwa noong 1982-1986 ako nakapagsulat ng marami-raming mga tula at inilabas sa iba’t ibang pahayagan at magasin. Makaraan ang ilang panahon, pagkalaya ko’y inilathala ang mga iyon sa librong “Moon’s Face.”

Malaking bahagi nito’y kaugnay ng kaapihan at kahirapan ng mamamayan, pasistang diktadura, piitan, mga pakikibaka sa mga ito at ang tinatanaw na tagumpay at maaliwalas na hinaharap.

Noong nakakulong pa ako, binabalak na sanang ilathala iyon ng isang pandaigdigang organisasyong nagtataguyod sa mga nakapiit na alagad ng sining. Kaya lamang ay di na natuloy dahil nakalaya na ako. Itinuloy na lamang ng Kalikasan Press ang paglalathala.

Si Alfredo Salanga ang nagmungkahi ng pamagat (batay sa isa sa mga tula sa koleksyon) at siya rin sana ang gagawa ng inroduksyon, pero pumanaw siya bago niya iyon natapos, at si Elmer Ordoñez ang siya nang gumawa. Nasa andergrawnd na ako nang mailathala ang librong iyon at may mga tumatawid na lamang sa pagitan ko at mga umaasikaso at tumutulong sa publikasyon mg libro.

T : Maari po ba ninyong isalaysay ang sirkumstansya ng pagkakadakip sa inyo nitong Pebrero 2011?

AJ : Mga alas-sais ng gabi noong Pebrero 14, 2011, ilang oras na lang bago magsimula ang pagbabalik ng pormal na usapan sa pagitan ng NDF at GPH na ilang taon nang nabahura, gumawa pa ng mapanlait na sampal ang GPH sa NDF at sa usapang pangkapayapaan. Biglaan akong inaresto. Nailagay ako sa surbeylans ng mga pwersang intelidyens ng GPJ habang nakikipag-ugnayan sa mga kasamahan ko sa NDF peace panel sa pinaka-bisperas ng usapang pangkapayaan.

Biglaang pinasok ng magkasanib na pwersa ng Philippine Army (PA) at ng PNP ang bahay na kinaroroonan at pinagtatrabahuhan ko noon. Tinutukan ng mataas na kalibre ng baril ang lahat ng naroroon. Pagkakita sa akin ay agad akong pinosasan at inilabas sa bahay.

Naghahanap ang mga may-ari ng bahay ng warrant of arrest, pero walang maipakita ang mga nagreyd kundi isang di mabasang malabong dokumento raw ng korte na ipinagkunwari ng mga kumuha sa akin na siyang warrant.

Kahit wala silang search warrant, hinalughog ang ang kwarto kung saan ako kinuha at sinamsam ang mga naroroong kompyuter, hard disk, cellphone, relo, ilang salapi, at tinatrabaho ko noong mga papeles, kabilang na ang maraming kaugnay sa muling sinisimulang usapang pangkapayapaan.

Nagmamadaling dinala ako sa PNP Regional HQ sa Camp Olivas, Pampanga, mga isang oras lamang pagkatupad ng reyd, upang magawan ako agad ng arrest papers at maunahan ang muling pagsisimula ng peace talks na magaganap na sa loob na lamang ng ilang oras noon.

Iniangal ko na hindi nila dapat ako inaresto deahil protektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG ang mga katulad kong NDF peace consultant. Hiningi ko ring makausap ang mga abugado ko bilang karapatan ko sa ilalim ng Miranda doctrine.

Umalis ang arresting officer at pagkabalik makaraan ang mahigit dalawang oras ay sinabing ang “utos mula sa itaas” ay ituloy ang pag-aresto at pagkulong sa akin, kahit inaangkin ko ang proteksyon ng JASIG at iginigiit kong kailgnan ako sa gaganaping usapang pangkapayapaan. Ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ang GPH Peace Panel na lamang daw ang bahala sa mga binabanggit kong problema.

Sampal ang ginawa ng GPH at mga pamunuang militar at pulis nito sa NDF peace panel at sa prosesong pangkapayapaan. Tuwiran at malinaw kong nasaksihan kung paano nila maliitin, bastusin at labagin di lamang ang sariling mga prosesong legal ng GPH, kundi pati at laluna ang mga kasunduan sa usapang pangkapayapaan.

Ilang minute pa lamang pagka-aresto sa akin, agad ipinagmalaki ito ng hepe ng PA na si Gen. Arturo Ortiz, na siyang nagsilbing pangkalahatang kumand sa operasyong pag-aresto. Nasagap kagad ito ng mga taong-midya na agad ring nagtimbre sa mga organisasyong pangkarapatang-tao at sa pamilya ko, kaya nagmadaling tumungo sa Camp Olivas.

Bandang 7:30 ng gabi, nakarating sila sa Camp Olivas pero itinanggi ng mga awtoridad na tauhan doon na naroroon ako. Inabot sila ng hanggang alas-10 ng gabi sa kakahanap sa akin doon. Naroroon lang ako sa buong panahon na hinahanap nila ako doon.

Nang madala na ako sa kulungan ng PNP sa Camp Alejo Santos sa Malolos, Bulacan, pasado alas-10 ng gabi, saka na lamang ipinakita sa akin ang ikinukunwaring warrant of arrest na di mabasang mga dokumento. Binanggit na lamang sa akin na tungkol sa 13 kaso sa korte ang mga iyon na may petsang 1992 kaugnay ng mga napatay na mga p;wersang militar sa mga operasyon ng New People’s Army (NPA) sa iba’t ibang lugar sa Timnog Katagalugan.

Mga alas-11 na ng umaga nang matagpuan ako ng mga kamag-anak ko at mga organisasyong pangkarapatang-tao. Pinayagan silang mabisita ako.